Binuksan ng House committee on justice kahapon ang bagong yugto sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng paghingi sa dalawang ahensya — ang Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI) na isumite ang mga dokumento tungkol sa ideklarang yaman ng bise presidente at sa banta pagpatay noong 2024 laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Tulad ng inaasahan, hindi dumalo si Duterte sa “hearing proper” na susuri sa impeachment complaints para sa probable cause, matapos matukoy ng panel na sapat ang mga reklamo sa anyo, nilalaman, at batayan.

Sinabi ng mga abogado ni Duterte na walang batas na nag-uutos sa kanyang pagdalo, at muling kinwestyon ang hurisdiksyon ng panel.

Dagdag pa nila, mas gusto ng kanilang kliyente na hindi makilahok lalo na’t inilarawan ng chair ng panel na si Batangas Rep. Gerville Luistro ang proseso bilang isang “mini-trial” — na sa kanilang pananaw ay tila hiwalay o paunang proseso bago ang buong impeachment trial na tanging Senado lamang ang may awtoridad na isagawa.

Hiniling rin ng panel sa NBI na isumite ang mga tala mula sa imbestigasyon sa online rant ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang inutusan niya ang isang tao na patayin ang unang pamilya at ang dating Speaker kung magtagumpay ang diumano’y planong pagpatay sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Si Manila Rep. Joel Chua ang nagpanukala na ilabas ang subpoenas, na ayon sa kanya ay hiniling ni Akbayan Rep. Chel Diokno noong Marso 5 para makuha ang mga dokumento bilang posibleng ebidensya laban kay Duterte.

Nagpahayag ng pagtutol si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na nagsabi na hiwalay dapat ilabas ang subpoenas para sa NBI at Ombudsman.

Idinagdag niya na tutol siya sa subpoena sa SALN ni Duterte dahil wala pa ring tiyak na alegasyon ng paglabag na nakasaad sa mga reklamo tungkol sa mga nasabing dokumentong.

Ayon sa kanya, kung wala ang “ultimate facts,” at ang paghingi ng SALNs ay isang “clear fishing expedition.”

Matatandaan na sinabi naman ni Bicol Saro party list Rep. Terry Ridon na base sa SALN ni Duterte mula 2008 hanggang 2024, tumaas ang kanyang net worth nang higit sa 1000 percent.

Sa huli, 34 miyembro ng committee ang bumoto pabor sa mosyon ni Chua para ma-subpoena ang mga dokumento, at tanging si Rodriguez lamang ang tumutol.

Hiniling naman ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na makuha ng committee ang affidavit ni Ramil Madriaga, na kasalukuyang nakakulong dahil sa kaso ng kidnapping at nagsabing siya ang “bagman” ni Bise Presidente Duterte.

Tinutukoy ni De Lima ang sinumpaang pahayag ni Madriaga kung saan humiling siya sa Ombudsman na imbestigahan si Duterte sa diumano’y katiwalian, at sinabi niyang responsable siya sa pagdadala ng malaking halaga ng pera sa ilang tao ayon sa utos umano ni VP Sara.

Hiniling din ni De Lima na dumalo si Madriaga sa harap ng panel, bilang suporta sa mga naunang panawagan ni Diokno.

Muling tinutulan ito ni Rodriguez, na sinabi na ang testimonya ni Madriaga ay tatalakay lamang sa isyu ng confidential funds ng Department of Education (DepEd), kung saan nagsilbi rin si Duterte bilang kalihim mula 2022 hanggang 2024.

Iginiit ni Rodriguez na walang hurisdiksyon ang committee sa kung ano ang sasabihin ni Madriaga tungkol sa confidential fund ng DepEd.

Matapos ang mga argumento sa usapin, naipasa ang mosyon ni De Lima tungkol sa affidavit at pagdalo ni Madriaga at tanging si Rodriguez ang tutol.