
Target ng House Committee on Justice na tapusin sa Abril 29 ang mga pagdinig kaugnay ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong na maaaring isumite ang committee report sa plenaryo ng House of Representatives kapag nagbalik ang sesyon sa Mayo 4.
Ito ang susunod na hakbang sa proseso na maaaring humantong sa paglilitis sa Senado.
Samantala, ibinahagi ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na may mga sasakyang nakarehistro sa pangalan ni Ramil Madriaga, na umaming siya ay naging “bagman.”
Ayon kay Adiong, malapit nang matapos ang pangangalap ng ebidensya ng komite, at nakatakda pa ang mga susunod na pagdinig sa Abril 22 at 29 kung saan haharap ang mahahalagang ahensya at resource persons.
Layunin ng komite na tukuyin kung may “probable cause” sa mga reklamong kinahaharap ng Bise Presidente, kabilang ang umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng gobyerno, maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at mga hindi pagkakatugma sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Kapag naaprubahan sa antas ng komite, ang ulat — kasama ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints ay iaakyat sa plenaryo.
Bibigyan ang mga mambabatas ng panahon upang suriin ang findings bago ang anumang botohan.
Ipinaliwanag din ni Adiong na sa plenary deliberations, maaaring magtanong ang mga miyembro sa sponsor ng ulat na si Congresswoman Gerville Luistro, na siyang chairperson ng komite.
Binigyang-diin niya na ang proseso sa Kamara ay nakatuon lamang sa pagtukoy ng probable cause at hindi pa nangangahulugan ng pagkakasala.
Ang layunin ay alamin kung sapat ang ebidensya upang dalhin ang kaso sa Senado para sa paglilitis.










