
Inaprubahan ng House of Representatives ang mga rekomendasyon ng Committee on Justice na ibasura ang dalawang reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa botong 284-8-4.
Sa sesyon ng Kamara ngayong araw, binasa ni Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, ang ulat na nakapaloob sa House Resolution No. 746, na nauna nang inaprubahan ng komite.
Noong Lunes, pormal na ibinasura ng Committee on Justice ang mga reklamong impeachment laban kay Marcos Jr. matapos bumoto ang 39 miyembro ng panel pabor sa pag-apruba ng ulat ng komite.
Sa pagdinig noong Lunes, tinalakay ang ulat at nagkaroon ng diskusyon matapos kuwestiyunin ng mga miyembro ng Makabayan bloc kung bakit idineklarang “kulang sa substansiya” ang dalawang reklamo, na umano’y walang sapat na mga alegasyong batay sa katotohanan.
Kalaunan, isinailalim sa botohan ang usapin, kung saan apat lamang na miyembro ang tumutol sa ulat.










