Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na naglalayong palawakin at palakasin ang insurance coverage ng mga magsasaka at mangingisda laban sa pagkalugi dulot ng kalamidad, sakit at iba pang panganib.

Sa 201 boto pabor at walang tutol, pasado sa Kamara ang House Bill No. 10365 na mag-aamyenda sa batas na lumikha sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC.

Sa ilalim ng panukala, maaari nang saklawin ng insurance ang livestock, fisheries at aquaculture, agroforestry projects, forest plantations, gayundin ang mga kagamitang ginagamit sa pagsasaka gaya ng makinarya at equipment.

Maaari ring isama sa coverage ang production costs, halaga ng labor at bahagi ng inaasahang ani.

Magkakaroon din ng life at accident insurance para sa mga magsasaka at mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng panukala na mabawasan ang epekto ng mga bagyo at iba pang sakuna sa kabuhayan ng mga nasa sektor ng agrikultura, lalo na ngayong patuloy na nakararanas ng malalaking pinsala ang mga magsasaka dahil sa matinding panahon.