
Pinalalakas ng City Agriculture Office ng Tuguegarao City ang paghahanda ng mga magsasaka sa posibleng epekto ng El Niño sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitang pansakahan at paghikayat sa kanila na kumuha ng crop insurance sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Sa panayam kay Agriculturalist Engr. Walter Pascua, sinabi nitong mahalagang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mga magsasaka upang maging kwalipikado sa mga programa, subsidiya at insurance ng pamahalaan.
Ayon kay Pascua, libre ang pagpaparehistro sa PCIC para sa mga kwalipikadong magsasaka. Maaaring masaklaw ng insurance ang hanggang dalawang ektarya ng palayan at isang ektarya ng mais. Maaari ring isama ang mga high-value crops gaya ng tabako, melon at gulay, gayundin ang mga kagamitang pang-agrikultura, alinsunod sa mga patakaran ng ahensya.
Mayroon ding insurance benefits para sa mga magsasaka, kabilang ang hanggang P50,000 na benepisyo sa pamilya sakaling mamatay ang insured dahil sa aksidente, gayundin ang kaukulang benepisyo sa pagkakaospital o pagkakaroon ng kapansanan, depende sa saklaw ng insurance.
Samantala, sinabi ni Namabbalan Sur Barangay Captain Lillia Malana na malaking tulong sa mga magsasaka ang ipinamahaging pump and engine sets at mga hose upang magkaroon sila ng alternatibong mapagkukunan ng tubig para sa kanilang mga pananim sa panahon ng tagtuyot.
Nasa 68 rehistradong magsasaka sa barangay ang maaaring makinabang sa mga kagamitang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Maila Rosario Ting-Que.
Ayon kay Malana, oorganisahin ng barangay ang paggamit sa mga kagamitan at magtatalaga ng mamamahala upang matiyak ang maayos na pangangalaga sa mga ito.
Ibinahagi naman ni Barangay Kagawad Adrian Mariano ng Larion Bajo na malaki ang naging epekto ng nakaraang tagtuyot sa kanilang mga magsasaka.
Aniya, marami ang nalugi dahil sa natuyong mga pananim na mais. Sa kaniyang sariling karanasan, tinatayang 150 sako ng mais mula sa dalawang ektaryang sakahan ang hindi nila naani dahil sa kakulangan ng ulan.
Dahil dito, umaasa ang mga magsasaka na makatutulong ang mga ipinamahaging kagamitan sa patubig upang mabawasan ang posibleng pagkalugi at maprotektahan ang kanilang produksyon sa harap ng banta ng El Niño.










