Nanawagan ang House of Representatives sa Senado na huwag munang ituloy ang botohan kaugnay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte hangga’t hindi pa nagkakaroon ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, ang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment laban kay Duterte ay hindi pa pinal, at magsusumite pa ang Kamara ng Motion for Reconsideration.

Giit ng House, anumang hakbang ng Senado na maagang tumalima sa ruling ay maaaring makaapekto sa integridad ng impeachment process.

Binigyang-diin ng Kamara na dapat igalang ang legal na proseso at hayaan munang maresolba ng Korte Suprema ang apela bago magdesisyon ang mga senador.

Binatikos din nila ang posibilidad ng maagang pagboto ng Senado, na anila ay maaaring magmukhang paglabag sa due process at isang hakbang na maaaring magpahina sa konstitusyonal na papel ng Kamara.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, sinabi naman ng ilang senador tulad ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mayorya ng mga senador ay handang sundin ang ruling ng SC.

Samantala, nanawagan din ang Integrated Bar of the Philippines ng pagtalima sa desisyon ng korte bilang pagpapakita ng respeto sa batas at pagpapanatili ng balanse ng kapangyarihan sa ilalim ng Konstitusyon.