Pinalawig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa 10 araw ang pagkakakulong ni Office of the Vice President (OVP) chief of staff Zuleika Lopez.

Sa pagdinig ngayong Lunes, naghain ng mosyon si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na gawing kabuuang 10 araw ang pagkakakulong ni Lopez.

Humirit ng paglilinaw ang chairperson ng komite na si Manila Rep. Joel Chua.

Tinangka ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta na pigilan ang komite na desisyunan ang mosyon ni Castro subalit nabigo ito.

Inaprubahan ni Chua ang mosyon matapos na walang marinig ng pagtutol.

-- ADVERTISEMENT --

Noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng komite na makulong si Lopez hanggang ngayong Lunes bunsod ng sulat nito sa Commission on Audit (COA) na huwag makipagtulungan sa komite kaugnay ng imbestigasyon ng confidential fund na ginastos ng Bise Presidente.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City si Lopez.
Dinala si Lopez sa ospital matapos umanong magsuka.