Nangako ang House prosecution team na ilalahad lamang nito ang mga “absolutely necessary” na ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa impeachment trial.

Kasunod ito ng pahayag ng Bise Presidente na nais niyang mapabilis ang paglilitis. Ayon kay private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., walang problema ang prosecution sa mabilis na pag-usad ng kaso, ngunit hindi ito nangangahulugang kailangang madaliin ang paglalahad ng ebidensiya sa kapinsalaan ng pagkakataon nilang maipakita nang buo ang kanilang kaso.

Sinabi ni Tolosa na may mga hakbang na silang ginawa upang mapabilis ang paglilitis. Kabilang dito ang hindi na pagpapatawag sa ilan pang testigo sa Article 4 o grave threats matapos nilang masiyahan sa testimonya ng tatlong naunang saksi.

Para naman sa Article 1 na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, sinabi ni Tolosa na hindi sila maghahain ng mga ebidensiyang hindi naman kinakailangan.

Gayunman, hiniling din ng prosecution na gawin ng defense team ang kanilang bahagi upang maiwasan ang mga pagkaantala. Binanggit ni Tolosa ang naunang pagtanggi ng depensa na makipagkumpara sa prosecution sa mga kopya ng acknowledgment receipts na ginamit sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay House prosecution spokesperson Zia Adiong, maaaring pagsabayin ang mabilis na paglilitis at due process, basta’t hindi nakokompromiso ang pagkakataon ng parehong panig na maipresenta ang kanilang kaso.

Dagdag niya, iiwasan din ng prosecution ang paulit-ulit na testimonya mula sa iba’t ibang testigo upang hindi masayang ang oras ng impeachment court.