Walang nakikitang dahilan ang House prosecution panel para pigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagsunod sa subpoena ng Senate impeachment court para ilabas ang tax records ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Prosecutor Leila de Lima, umaasa ang prosekusyon na magbibigay ng pahintulot ang Pangulo upang makasunod ang BIR sa kautusan ng impeachment court.

Sinabi ni De Lima na hindi dapat maging hadlang ang probisyon sa National Internal Revenue Code na nagtatakda ng mga kondisyon sa pagbubukas ng tax records ng isang taxpayer.

Sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code of 1997, maaaring mabuksan ang tax records sa pamamagitan ng utos ng Pangulo, kahilingan ng foreign tax authority na may pahintulot ng Pangulo, o waiver mula mismo sa taxpayer.

Ipinaliwanag ni De Lima na maaaring humingi ng pahintulot kay Marcos ang BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza upang matiyak na hindi lalabag sa naturang probisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya ang naging hakbang noon ni dating BIR Commissioner Kim Henares na humingi ng pahintulot ng Pangulo kaugnay ng paglalabas ng tax records kahit hindi ito nakasaad sa subpoena.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng prosekusyon na si Jay Tolosa na hindi nila nais pangunahan ang magiging aksyon ng BIR commissioner sa usapin.

Nauna nang pinayagan ng Senate impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon para sa subpoena sa mga dokumento ng BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at bank records ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Tinanggap naman ng House prosecution panel ang desisyon ng impeachment court, na tinawag ni De Lima na tagumpay para sa katotohanan, pananagutan, at kapangyarihang konstitusyonal ng impeachment court.

Dagdag niya, handa ang prosekusyon sakaling dalhin ng kampo ni Duterte sa Korte Suprema ang usapin.