Nagbabala ang House prosecutors laban sa umano’y lumalaganap na “kultura ng pagbabanta” at iginiit na dapat magsilbing mabuting halimbawa ang mga opisyal ng pamahalaan dahil nakaaapekto ang kanilang kilos at pananalita sa publiko.

Ayon kay impeachment prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, layunin ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na tugunan hindi lamang ang umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez, kundi pati ang pagnormalisa sa pagbabanta.

Sinabi rin ni Ridon na dapat pantay ang pagpapatupad ng pananagutan sa lahat ng gumagawa ng pagbabanta, maging mga opisyal man o kanilang mga tagasuporta.

Samantala, sinabi ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua na seryoso ang alegasyon dahil ang umano’y banta ay laban sa Pangulo ng Republika.

Aniya, mahalagang maipakita na walang puwang sa serbisyo publiko ang ganitong asal.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin naman ni Deputy Speaker Janette Garin na ang isyung dinidinig sa impeachment court ay may kinalaman sa umano’y banta ng pagpatay, na aniya’y hindi maituturing na ordinaryong hindi pagkakaunawaan.

Hinikayat din niya ang mga opisyal ng pamahalaan na pairalin ang maayos na pag-uusap at maging huwaran sa publiko.