
Hiniling ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na ipatawag bilang testigo si dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, kasama ang mga kinatawan ng Office of the Ombudsman at Securities and Exchange Commission (SEC), sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa House prosecutors, mahalaga ang testimonya ng mga ito sa Article 2 ng impeachment case na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa SALN at patuloy na business interests ni Duterte habang isa nang public official.
Inaasahang tatalakayin ni Tang ang mga prinsipyo ng public accountability, integridad sa serbisyo publiko at mga mekanismo sa pagtugon sa hindi naideklarang yaman at ipinagbabawal na business interests.
Samantala, si Atty. Karen Batu ng Ombudsman ang magpapatunay at mag-iidentify ng mga dokumento kaugnay ng mga SALN at iba pang proceedings, habang si Atty. Gerard Del Rosario ng SEC ang tutukoy at magpapatunay sa mga rekord tungkol sa corporate registrations, ownership, posisyon at business interests.
Sa pagdinig ng House justice committee noong Abril, sinabi ni Batu na walang idineklarang cash on hand o bank deposits si Duterte sa kanyang mga SALN mula 2019 hanggang 2024.








