
Iginiit ng mga lider ng Kamara na nais lamang ipatigil ni Vice President Sara Duterte ang impeachment trial dahil wala umano itong maipakitang depensa laban sa mga paratang ng prosecution.
Ayon kina House Deputy Speaker Janette Garin at House prosecutors Manila Representative Joel Chua at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, hindi pulitika ang impeachment kundi bahagi ng pananagutan ng isang opisyal ng pamahalaan. Sinabi rin ni Chua na dapat munang ipaliwanag ng bise presidente ang paggamit ng confidential funds at ang bilyun-bilyong transaksiyon sa bangko na nakapaloob sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa unang linggo ng paglilitis, iniharap ng prosecution ang video ng press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024 bilang ebidensiya sa Article 4 ng Articles of Impeachment. Samantala, sinabi ni Ridon na lalo lamang pinatatag ng depensa ang kaso ng prosecution matapos nitong amining nagbitiw ng banta ang bise presidente ngunit iginiit na may dahilan ito dahil umano sa bantang pag-atake laban sa pamilya Duterte. Aniya, nasa Senado na ang pagpapasya kung katanggap-tanggap ang naturang depensa.










