
Ipinag-utos ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) sa prosecution at defense teams sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang mga ebidensiya nila sa susunod na buwan, bago ang nakatakdang confirmation of charges sa buwan ng Setyembre.
Inatasan ng Pre-Trial Chamber ang prosecution at defense na ilabas kung ilan at kung anong uri ng mga ebidensiya ang plano nilang iprisinta, kasama ang timeline.
Kailangan na iprisinta ng prosecution sa April 4, 2025 ang mga impormasyon sa lahat ng bilang ng isinulat na mga ebidensiya, kung ito ay may balak na aasa sa ipa pang non-written na mga documentary evidence, at kung ilang testigo at testimonya ng mga testigo ang kanilang ipriprisinta.
Hiniling din ng Pre-Trial Chmaber na iprisinta ang kanilang kahilingan para sa protective measures para sa potential witnesses, at kung ipagpapatuloy ang imbestigasyon kay Duterte at kung papaano ito magkakaroon ng impact sa disclosure process.
Para naman sa team ni Duterte, binigyan sila ng hanggang April 11 para magsumite ng kanilang obserbasyon sa mga impormasyon na isusumite ng prosecution.
Kailangan din nilang sumagot kung sila ay magpriprisinta ng mga ebidensiya at magtawag ng sarili nilang mga testigo sa panahon ng confirmation hearing.
Kaugnay naman sa partisipasyon ng mga biktima, binigyan ng ICC ang Registry hanggang April 2 na maghain ng mga obserbasyon may kaugnayan sa application for participation, kabilang ang admission process, proof of identity documents, at legal representation ng present proceedings.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity sa ICC dahil sa madugong war on drugs noong panahon na siya pa ang pangulo ng bansa.