
Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa Abril 22, alas-5 ng hapon oras sa Pilipinas, kaugnay ng isyu ng hurisdiksyon sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang desisyon ay bunsod ng apela ng legal team ng dating pangulo na kinukuwestiyon ang naunang ruling ng Pre-Trial Chamber I na nagpapahintulot sa ICC prosecutor na ipagpatuloy ang imbestigasyon at pagdinig sa kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Nakatuon ang apela sa tanong kung may kapangyarihan pa ang ICC na dinggin ang kaso, matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Ayon sa kampo ni Duterte, nawalan na ng hurisdiksyon ang ICC sa bansa kaya hindi na dapat ituloy ang proseso laban sa dating pangulo.
Sa kabila nito, pinayagan ng Pre-Trial Chamber I ang pagpapatuloy ng imbestigasyon, na siyang naging dahilan upang umakyat ang usapin sa Appeals Chamber.
Inaasahang magiging mahalaga ang ilalabas na desisyon ng ICC Appeals Chamber dahil ito ang magtatakda kung magpapatuloy ang proseso ng kaso laban kay Duterte o tuluyang ihihinto ang pagdinig.










