TUGUEGARAO CITY-Wala umanong magagawa ang pamahalaan sa desisyon ng International Criminal Court na ituloy ang imbestigasyon sa mga nangyaring extra judicial killings sa ilalim ng war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.

Ipinaliwanag ni Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines na may hurisdiksion ang ICC sa pagsasagawa ng imbestigasyon dahil ang mga ibinibintang na EJK ay nangyari bago pa man ang pagkalas ng pamahalaan sa Rome Statute.

Sinabi ni Cayosa na maaaring nakulangan ang ICC sa mga pagsisikap ng pamahalaan na imbestigahan ang mga isinasangkot sa EJK dahil sa iilan pa lamang ang nakakasuhan at napapanagot kaya ibinasura ang apela ng gobyerno na itigil ang imbestigasyon sa war on drugs.

Ayon kay Cayosa, kung sakali na may makitang prima facie evidence ang ICC ay hihiling ng warrant of arrest ang prosecutor laban sa mga akusado.

Gayonman, aminado si Cayosa na mahihirapan ang ICC na maaresto ang mga akusado dahil sa pahayag ng Department of Justice na hindi nila papapasukin sa bansa ang mga miembro ng ICC.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, sinabi ni Cayosa na may panganib pa rin na kakaharapin ang mga akusado kahit hindi makikipagtulungan ang pamahalaan sa ICC dahil kahit hindi sila pupunta sa bansa na miembro ng ICC ay maaari pa ring maaresto kung dadaan ang kanilang eroplano sa bansa na sumusuporta sa ICC.

Bukod dito, maaaresto ang mga akusado kung magbabago ang desisyon ng administrasyon o ng susunod na administrasyon at muling bumalik sa Rome Statute sa pagnanais na maisulong ang kampanya laban sa impunity at pagkilala sa International law.