
Muling inayos ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court o ICC ang listahan ng mga ebidensiya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at hiniling na tanggapin sa paglilitis ang naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi.
Sa dokumentong inilabas noong Oktubre 12, sinabi ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang na inalis na nila ang 253 item matapos ang panibagong pagsusuri sa mga ebidensiya.
Hinati rin ang natitirang materyales sa pitong kategorya upang mas malinaw na maunawaan ang mga gagamitin ng prosekusyon.
Kabilang dito ang mga dokumentong binanggit sa trial brief, testimonya ng mga saksi, mga talumpati ni Duterte at iba pang pinaghihinalaang kasabwat, datos ng pulisya tungkol sa mga pagpatay sa operasyon kontra droga, at iba pang materyales.
Sa hiwalay na mosyon, hiniling din ng prosekusyon na tanggapin ang naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi sa halip na hingin ang kanilang personal na pagtestigo sa korte.
Ayon sa prosekusyon, may kaugnayan ang kanilang mga salaysay sa umano’y extrajudicial killings sa Central Luzon at sa mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan.
Kabilang sa mga salaysay ang paratang na may mga pulis umanong nagkunwaring lehitimong self-defense ang pagpatay at nagtanim ng droga, baril at pera sa biktima.
Mga alegasyon ito na kailangang suriin sa paglilitis.
Giit ng prosekusyon, makatitipid sa oras at gastusin ng korte ang paggamit sa mga naitalang testimonya at hindi nito maaapektuhan ang karapatan ng depensa na kuwestiyunin ang mga ito o magharap ng salungat na ebidensiya.
Inaasahang tatalakayin ang mga usapin sa ebidensiya at pagsisiwalat ng mga dokumento sa ikaapat na status conference ng kaso sa ICC ngayong Oktubre 13
Nakatakda namang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte.










