Tinutulan ng mga abogadong kumakatawan sa mga biktima ng kampanya kontra droga ang panibagong pagsusuri ng International Criminal Court (ICC) sa mga aplikasyon ng mga nais lumahok sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hiniling nina Common Legal Representatives for the Victims (CLRV) Gilbert Andres, Joel Butuyan at Paolina Massidda sa ICC Trial Chamber III na linawin ang pamantayan sa paglahok ng mga kinikilalang biktima at mga bagong aplikante.

Kasunod ito ng desisyon ng korte noong Oktubre 9 na isama sa Trial Brief ang mga insidente 50 hanggang 56, ngunit hindi ang Incident 57 dahil hindi ito saklaw ng panahong tinutukoy sa mga kasong isinampa laban kay Duterte.

Dahil dito, humingi ng gabay ang ICC Registry sa muling pagsusuri sa mga aplikasyon. Hindi bababa sa 13 aplikasyon, na kumakatawan sa 16 sa kabuuang 539 na biktimang lalahok sa paglilitis, ang posibleng hindi pasok sa saklaw ng kaso.

Nangangamba ang mga abogado na maaaring makaapekto ang naturang proseso sa mga susunod na aplikasyon at sa karapatan ng mga biktimang nais lumahok sa paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --