
Tinutulan ng International Criminal Court (ICC) prosecution ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-waive ang kanyang karapatan na personal na dumalo sa confirmation of charges sa Pebrero 23, 2026.
Sa public redacted filing, hiniling ng Office of the Prosecutor sa Pre-Trial Chamber 1 na tanggihan ang kahilingan ni Duterte, at iginiit na walang sapat na legal basis para hindi dumalo ng personal ang dating pangulo.
Iginiit ng prosekusyon na ang magpapasiya ay ang Chamber at hindi ang akusado kung may basehan o wala ang kahilingan ni Duterte.
Naniniwala ang prosekusyon na physically at mentally fit si Duterte para personal na dumalo sa proceedings, at ipinunto na siya ay sinuri ng independent medical experts.
Idinagdag pa ng prosekusyon na hindi katuwiran sa kahilingan ni Duterte ang paninindigan ng depensa na batay sa pahayag ng dating pangulo na walang hurisdiskyon sa kanya ang ICC at siya kinidnap.
Binigyang-diin ng prosekusyo na na mahalaga ang personal na pagdalo ni Duterte para matiyak ang integridad at transparency ng proceedings, dahil sa mabibigat ang mga kaso at sa interes ng mga biktima.
Sinabi pa ng prosecutor na ang hindi pagpayag na dumalo ng personal ni Duterte sa pagdinig na walang mabigat na dahilan ay taliwas sa framework ng Rome Statute na sumasaklaw sa confirmation proceedings.
Ang confirmation of charges ay tutukoy kung may sapat na ebidensiya para sa paglilitis kay Duterte dahil sa umano’y crimes against humanity may kaugnayan sa anti-drug campaign.








