
Target ng mga prosecutor ng International Criminal Court o ICC na simulan sa Nobyembre 2026 ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain dahil sa kontrobersyal na war on drugs ng kanyang administrasyon.
Sa isinumiteng dokumento sa ICC Trial Chamber III bago ang nakatakdang status conference sa Mayo 27, sinabi ng prosekusyon na nais nilang simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.
Ayon sa mga prosecutor, inaasahan nilang makukumpleto ang lahat ng kinakailangang pre-trial procedures bago matapos ang Setyembre ngayong taon.
Ipinaliwanag ng prosekusyon na ang mungkahing petsa ay magbibigay ng sapat na panahon upang maisagawa nang maayos ang disclosure ng ebidensya at iba pang paghahanda bago ang paglilitis upang maiwasan ang posibleng pagkaantala habang tumatakbo ang kaso.
Samantala, iminungkahi naman ng Common Legal Representatives of the Victims na mas maagang idaos ang unang pagdinig o trial hearing sa Setyembre 2026.
Ayon sa grupo, mahalagang mapabilis ang proseso bilang paggalang sa karapatan ng mga biktima sa mabilis na pagdinig, gayundin sa karapatan ng akusado na agad na malitis.
Gayunman, tumutol ang kampo ni Duterte sa agarang pagtatakda ng petsa ng paglilitis.
Ayon sa depensa, hindi pa umano nararapat na magtakda ng trial date sa kasalukuyan habang may mga usaping dapat pang linawin kaugnay ng kaso.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y libo-libong pagkamatay na may kaugnayan sa anti-drug campaign ng kanyang administrasyon noong siya ay pangulo ng bansa.
Inaasahang tatalakayin sa darating na status conference ang mga susunod na hakbang kaugnay ng paglilitis sa dating pangulo.








