Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang komunikasyon sa pagitan ng ICC Registry at ng panel of experts na nagsuri sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.

Sa limang pahinang desisyon na may petsang Disyembre 23, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na hindi na kinakailangan ang naturang pagsisiwalat dahil hawak na ng kampo ni Duterte ang lahat ng mahalagang impormasyon hinggil sa ugnayan ng Registry at ng mga eksperto.

Ayon sa ICC, malinaw na nakasaad sa mga ulat ng panel ang mga tagubiling ibinigay ng korte at ang mga dokumentong ginamit ng mga eksperto sa kanilang pagsusuri.

Binigyang-diin din ng korte na ang ICC Registry ay isang neutral na sangay na ang pangunahing tungkulin ay ipasa lamang ang mga instruksyon ng hukuman sa mga eksperto.

Dahil dito, walang sapat na batayan upang ilabas ang lahat ng komunikasyon maliban kung may malinaw na patunay ng paglabag.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang hiling ng kampo ni Duterte sa kanilang mosyon noong Agosto 2025 para sa walang taning na pagpapaliban ng pagdinig, dahil umano sa hindi niya pagiging mentally fit bunsod ng cognitive impairment.

Dahil dito, iniutos ng ICC ang isang medical examination kay Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution. Gayunman, sinabi ng ICC Office of the Prosecutor na batay sa pagsusuri ng mga eksperto, si Duterte ay may kakayahang makilahok sa mga pagdinig.