Nahuli na ng mga awtoridad ang ika-apat at huling suspek sa brutal na pagpatay at pagnanakaw sa isang 19-anyos na babaeng estuydante sa Tagum City, Davao del Norte.
Ang nasabing suspek ay 19-anyos, ay nahuli sa Barangay Agdao Proper sa Davao City nitong Linggo.
Nakuha rin sa kaniya ang isang baril na kalibre .38 na may dalawang bala.
Matatandaan na ang tatlong naunang nahuli na mga suspek ay pawang mga menor de edad.
Ang apat ang sinasabing pumasok sa bahay ng biktima na si Sophie Marie Coquilla, estudyante ng UP Diliman, na nagtamo ng 38 saksak sa katawan at leeg noong July 9, 2025.
Nakuha sa dalawang unang nadakip na suspek ang ilan sa mga gamit na tinangay nila mula sa biktima.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng apat matapos silang mahagip sa CCTV camera ng kapitbahay ng biktima na ilang beses silang dumaan at tumingin sa bahay ng mga Coquilla bago naganap ang krimen.
Nauna nang binasahan ng sakdal ang tatlong naarestong menor de edad sa kasong robbery with homicide.
Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), inamin ng tatlong menor de edad na batid nila ang krimen na kanilang nagawa, na kailangan sa batas upang makasuhan ang menor de edad.
Pero sa kabila ng pag-amin, hindi maaaring makasuhan ang 14-anyos na suspek sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344).
Isasailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga menor de edad na suspek habang hindi pa muna pormal na maisasampa laban sa kanila ang kaso hanggang sa sumapit sila sa legal na edad.
Dahil dito, may mungkahi na amyendahan ng mga mambabatas ang juvenile justice law na naglalayong babaan ang edad ng mga kabataan na dapat makasuhan sa mga ginawang krimen o paglabag sa batas.