
Iniharap ng House prosecution panel si National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Atty. Jeremy Lotoc bilang ikalawang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay counsel for the prosecution Atty. Amando Virgil Ligutan, ihaharap si Atty. Lotoc kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa umano’y grave threats at planong pagpaslang laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez. Aniya, lumabas sa imbestigasyon ng NBI na seryoso at kapani-paniwala ang mga umano’y banta ng bise presidente.
Ipinaliwanag ni Atty. Lotoc na bilang dating pinuno ng NBI Cybercrime Division, siya ang nanguna sa imbestigasyon sa online press conference ni VP Sara noong Nobyembre 2024 kung saan umano’y sinabi nitong nagtalaga siya ng isang tao upang patayin ang Pangulo, ang Unang Ginang, at si Romualdez sakaling siya ay mapaslang. Noong unang linggo ng paglilitis, si NBI Senior Agent John Mark Calilung ang unang testigong iniharap ng prosekusyon.










