Namataan ng Philippine Coast Guard o PCG ang ilang barko ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal habang namamahagi ng fuel subsidy at food packs sa mga Pilipinong mangingisda.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, kabilang sa nakita nitong Huwebes ang isang barko ng Chinese Navy, tatlong China Coast Guard vessels at tatlong Chinese maritime militia vessels.

Nag-radio challenge umano ang Chinese Navy ship sa Piper Navajo aircraft ng PCG. Tumugon naman ang PCG na nagsasagawa ito ng legal na maritime patrol sa loob ng Philippine maritime zones alinsunod sa international law.

Isinagawa ang aerial patrol bilang suporta sa Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda mission ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, kung saan 35 bangkang Pilipino ang namataan na tumatanggap ng diesel at food packs.

Giit ng PCG, ang patuloy na presensya ng Chinese maritime forces sa Bajo de Masinloc ay hindi naaayon sa 2016 Arbitral Award at United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

-- ADVERTISEMENT --