Marami nang bubong ng mga eskuwelahan at mga bahay ang natanggal at inilipad sa bayan ng Buguey, Cagayan bunsod ng malalakas na hangin na dala ng bagyong Marce.

Sinabi ni Mayor Licerdo Antipora, na ang mga nasabing istraktura ay ang mga dati nang nagkaroon ng pinsala sa pananalasa ng bagyong Kristine at Leon, na pinalala ng bagyong Marce.

Ayon kay Antiporda, sa ngayon ay tanging ang Licerio National High School ang nakapagsumite pa ng kanilang report na may ilang classrooms na ang natanggal at lumipad ang mga bubong.

Sinabi niya na delikado pa kasi ngayon para sa mga otoridad na pumunta sa ilang lugar na may naitalang mga pinsala dahil sa may mga natumbang mga punong-kahoy at hindi makapasok sa mga barangay.

Idinagdag pa ni Antiporda na tiyak na malaki ang pinsala sa panamim na palay sa pananalasa ng bagyong Marce dahil sa hindi nakahabol ang mga magsasaka na anihin ang kanilang mga pananim.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, may mga dumarating na rin na report sa kanya na may mga fishpond ang umapaw na at nasira at tinangay ng malalakas na agos ng tubig ang mga fish cages.

Sa ngayon, sinabi niya na nasa 100 indibidual ang ang lumikas na sumilong sa barangay evacuation centers habang ang iba ay sa kanilang mga kaanak.

Kasabay nito, sinabi ni Antiporda na bagamat marami pa ang stockpile nila ng food at non food items ay posibleng kukulangin na ang mga ito sa susunod na mga araw.

Dahil dito, sinabi niya na susulat siya kay DSWD Secretary Rex Gatchalian para sa dagdag na food at non-food items.

Samantala, impassable ang ilang tulay sa bayan ng Baggao bunsod ng patuloy na pagtaas ng ilog.

Batay naman sa natatanggap nating impormasyon sa mga residente sa coastal areas na nasa signal no. 4 at 3, nakakaranas na sila ngayon ng malalakas na hangin at mga pag-ulan.

Patuloy naman ang pag-iikot at monitoring ng mga rescuers at first responders sa mga lugar na apektado ng bagyong Marce.