
Naghain ng reklamong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa ilang construction company at mga opisyal nito dahil sa milyon-milyong pisong hindi nabayarang buwis.
Ayon sa BIR, kinasuhan ang IM Construction Corporation, SYMS Construction Trading, at mga opisyal nito, kabilang si Sally Santos, dahil sa paglabag sa National Internal Revenue Code.
Nag-ugat ang kaso sa pagkakasangkot ng naturang mga kumpanya sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Lumabas sa imbestigasyon na nasa mahigit P13.8 million ang kabuuang tax liabilities ng mga nabanggit na contractor, lalo na’t marami sa mga in-award na proyekto sa kanila ay guni-guni, hindi naipatayo, o pawang ghost transactions lamang.
Ayon sa BIR, sinadyang umiwas ng IM Construction at SYMS Construction sa pagbabayad ng tamang buwis sa pamamagitan ng hindi paglalagay ng wastong impormasyon sa kanilang Income Tax at VAT returns.










