Isinailalim sa Alert Level Alpha ang mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Batanes dahil sa patuloy na paglakas ng bagyong Francisco sa silangang bahagi ng Philippine Sea.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX), inatasan na ang mga lokal na pamahalaan na bantayan ang posibleng pagbaha, pagguho ng lupa at epekto ng masungit na karagatan sa mga apektadong lugar.

Posible ring maranasan sa mga nasabing lalawigan ang hanging aabot sa 65 kilometro kada oras na maaaring magdulot ng pagkatumba ng mga puno, poste ng kuryente at pinsala sa mga ari-arian, kasabay ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo, patuloy na pinag-iingat ng DILG ang mga lokal na pamahalaan laban sa mga posibleng epekto nito habang patuloy ang paglakas ng bagyong Francisco.