
Patuloy na lumalakas ang Bagyong Francisco habang kumikilos sa Philippine Sea at posible pa itong umabot sa kategoryang super typhoon sa mga susunod na araw.
Huling namataan ang sentro nito sa layong humigit-kumulang 620 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 155 kph at pagbugsong hanggang 190 kph habang kumikilos pa-west northwest sa bilis na 15 kph.
Sa kasalukuyan, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng #agayan kabilang ang silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Ayon sa forecast, maaari pang umabot sa 175 kph ang lakas ng bagyo pagsapit ng Martes at hindi rin inaalis ang posibilidad na mas lumakas pa habang nasa karagatan.
Bagama’t wala pa ring inaasahang landfall scenario sa ngayon, inaasahang dadaan ito malapit sa Extreme Northern Luzon mula Martes hanggang Huwebes na maaaring magdulot ng masamang panahon sa Batanes at Cagayan.
Samantala, patuloy ding palalakasin ng bagyo ang Habagat na magdadala ng pag-ulan sa Palawan, Visayas, at Mindanao bago unti-unting umabot sa mas maraming bahagi ng Luzon sa kalagitnaan ng linggo.
Posible ring tuluyang makalabas ng PAR ang bagyo pagsapit ng Biyernes, June 26.
Pinapayuhan ang publiko na maging handa laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa at patuloy na subaybayan ang mga susunod na weather updates.










