Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal no.2 sa ilang lugar sa Batanes dahil sa bagyong “Carina” ayon sa state weather bureau.
Batay sa datos ng PAGASA kaninang alas onse ng umaga, Hulyo 23, 2024, kabilang sa mga nakataas sa signal no. 2 ang Itbayat, Basco, Mahatao, Uyugan, Ivana sa Batanes.
Nakataas na rin ang signal no. 1 sa buong probinsya ng Cagayan kasama na ang Babuyan Islands.
Signal no. 1 din ang Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, at Santa Maria sa Isabela; Calanasan, Luna, Pudtol, Flora, at Santa Marcela sa Apayao maging sa hilagang bahagi ng Ilocos Norte, Aurora, Polillo Islands, Calaguas Islands, at hilagang bahagi ng Catanduanes.
Ang Typhoon “Carina” ay kasalukuyang nasa layong 320km silangan ng Basco, Batanes o 405km silangan ng hilagang silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 140kph malapit sa gitna na may pagbugso na 170kph at patuloy na kumikilos ng pahilaga sa bilis na 15kph.
Ayon sa PAGASA, makararanas ng malalakas na pag-uulan na umaabot sa 100-200mm na buhos simula ngayong araw hanggang bukas ang Batanes, Babuyan Islands, hilaga at silangang bahagi ng Mainland Cagayan, at Ilocos Sur.
Kaugnay rito, pinag-iingat ng PAGASA ang publiko lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.