Ilang mahistrado ng Supreme Court of the Philippines ang nagpahayag ng hindi pagkakuntento sa tinatawag na unprogrammed appropriations (UA) habang nagpapatuloy ang oral arguments sa mga petisyong kumukuwestiyon sa ilang probisyon ng pambansang budget.

Si Associate Justice Ramon Hernando ay hayagang tumutol sa unprogrammed appropriations.

Sinabi pa niya na tinatawag niya itong “IHUAS” o “I hate unprogrammed appropriations.”

Ayon sa kanya, kahit anong anyo ng unprogrammed appropriations ay labag sa Konstitusyon dahil dapat ay malinaw at tiyak ang paggastusan ng pondo ng gobyerno.

Samantala, binanggit naman ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na malaking bahagi ng unprogrmmaed appropriations sa 2024 budget ay nagmula sa sobrang pondo ng PhilHealth at Philippine Deposit Insurance Corporation.

-- ADVERTISEMENT --

Sumagot naman si Solicitor General Darlene Berberabe na hindi na gagamitin ang ganitong sources sa mga susunod na budget para sa 2025 at 2026.

Ang mga oral arguments na ito ay bahagi ng pinagsamang mga kaso na kumukuwestiyon sa legalidad ng unprogrammed appropriations at iba pang special accounts sa General Appropriations Act (GAA).

Ilan sa mga inimbitahang amici curiae o mga eksperto na nagbibigay ng opinyon sa korte ay sina:

Joey Salceda
Solita Collas-Monsod
Franklin Drilon
Benjamin Diokno
Florencio Abad

Kabilang sa mga petisyong tinatalakay ang:

Lagman v. Congress of the Philippines
Pimentel v. Bersamin
Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement Inc. v. House of Representatives
Erice v. Senate

Sa kabuuan, sentro ng usapin kung ang unprogrammed appropriations ay naaayon ba sa Konstitusyon o isang paraan para makapaglaan ng pondo nang hindi malinaw ang paggagamitan.