Ilang municipalidad na ang nagsasagawa ng pre emptive evacuations sa Cagayan kasunod ng direktiba ni Governor Manuel Mamba para sa force evacuation sa mga residente na nasa critical areas na labis na maaapektuhan.

Ayon kay Ruelie Rapsing, Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Cagayan, patuloy na tumataas ang lebel ng tubig sa mga ilog at maaring umabot pa ito sa mas mataas na antas.

Aniya ang labis na pag-ulan dulot ng Bagyong Kristine ay nagdudulot ng panganib sa mga low-lying barangays at sa mga bayan na prone sa landslide, kabilang ang Baggao, Claveria, at Sta. Praxedes.

Idinagdag pa niya na ang mga bayan ng Abulug, Pamplona, at Claveria ay itinuturing na highly prone sa pagbaha, kasama na ang Sanchez Mira, Sta. Ana, at Gonzaga habang mayroon ding mga coastal barangays na kailangang lumikas dahil sa banta ng storm surge.

Samantala, ang mga barangay sa Sto. NiƱo, Piat, at Rizal ay nakakaranas din ng panganib mula sa landslide, habang ang Chico River ay unti-unting umaapaw, na nagiging dahilan upang mag-evacuate ang mga barangay na malapit dito.

-- ADVERTISEMENT --

May posibilidad rin umano na tumaas pa ang lebel ng ilog dulot ng pagpapakawala ng tubig ng NIA MARIIS mula sa Magat Dam.

Samantala, nanawagan naman si Rapsing sa mga Cagayano na makipagtulungan sa kanilang mga barangay officials at lumikas kung kinakailangan, dahil hindi maaaring isantabi ang mga panganib na dulot ng sunud-sunod na bagyo na tumama sa probinsya.