
Maagang naglabas ng abiso ang ilang munisipalidad kaugnay sa suspensiyon ng pasok sa mga paaralan sa araw ng Lunes, November 10, 2025 dahil sa posibleng pananalasa ng bagyong Uwan.
Hanggang nitong alas 3:00 ng hapon, kabilang sa mga munisipalidad na nagsuspendi ng pasok sa pribado at pampublikong paaralan kasama na ang pasok sa tanggapan ng pamahalaan ay ang bayan ng Abulug, Iguig, Tuguegarao at Sta Praxedes.
Habang ang bayan ng Allacapan ay tanging ang pasok sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan ang kanselado sa araw ng Lunes.
Inanunsiyo din kanina ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que na sinuspendi nito ang lahat ng face-to-face classes simula sa araw ng Sabado, Nobyembre 8 hanggang Linggo, Nobyembre 9, 2025, sa lahat ng antas, kabilang ang Law, Medicine, at Graduate Studies bilang pag-iingat sa banta ng Tropical Storm Fung-Wong.
Ito ay upang bigyang konsiderasyon ang mga mag-aaral na nakatira sa Lungsod ngunit uuwi sa kanilang mga tahanan sa labas ng lungsod at sa iba’t ibang probinsya sa Region II.
Kaugnay nito, abala na rin ang ibat ibang ahensiya ng pamahalaan at mga Local Government Units sa paghahanda para maibsan ang matinding epekto ng binabantayang super typhoon.
Tiniyak naman ng mga kinauukulan na nakapreposition na ang mga rescuers kasama ang mga rescue equipment para agad na makapagresponde kung kinakailangan.
Matatandaan na iniatas ng Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagsasagawa ng preemptive evacuation kung kinakailangan para sa kaligtasan ng mga nakatira sa mga andslide at flashflood prone areas.










