Lumikas ang 18 pamilya na katumbas ng 84 na indibidwal matapos na mabaha ang kanilang tahanan dahil sa pag-ulan na dala ng bagyong Carina sa lalawigan ng Cagayan.
Batay sa situational report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Cagayan, inilikas sa Barangay evacuation centers ang isang pamilya o anim na indibidwal sa Brgy. Flourishing, Gonzaga; walong pamilya na binubuo ng 34 na indibidwal sa Brgy. Paradise, Gonzaga; tatlong pamilya o 17 indibidwal sa Progressive, Gonzaga at isang pamilya o pitong indibidwal sa Amunitan, Gonzaga habang limang pamilya o 20 indibidwal sa Brgy. Camasi, PeƱablanca ang pansamantalang nakituloy sa kanilang kamag-anak dahil sa naranasang pagbaha.
Impassable naman sa mga malalaking sasakyan ang Mapurao/Capanickian bridge sa bayan ng Allacapan dahil nabaha ang approach nito gayundin ang kalsada at tulay sa Sitio Laoc sa bayan ng Gonzaga na hindi madaanan naman ng mga light vehicles bunsod ng pagbaha.
Hindi rin madaanan ang ginagawang kalsada sa Tamucco-Balagan-Abariongan Ruar sa bayan ng Sto. Nino.
Dahil dito, patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente sa critical areas na maging alerto dahil sa nararanasang pag ulan.
Kinansela na rin ang klase sa kindergarten hanggang grade 12 sa public and private schools sa PeƱablanca.