Nagpahayag ng pagkabahala si Jose Cardinal Advincula sa dumaraming bilang ng mga pari na nakararanas ng suliranin sa kalusugan ng isip at damdamin, kasabay ng paghimok na harapin ito at muling kumonekta sa kapwa at sa Diyos.

Sa isinagawang Chrism Mass sa Manila Cathedral ngayong Maundy Thursday, binanggit ni Advincula ang isang survey na nagsasabing humigit-kumulang 18% o isa sa bawat limang paring Pilipino ang umaaming nakararanas ng psychological distress.

Ayon sa kanya, ito ay isang suliraning hindi na natin maaaring ipagwalang-bahala at kailangang harapin upang masolusyunan.

Ibinahagi rin niya ang tatlong paraan upang mapagtagumpayan ang ganitong hamon: kilalanin (recognize), kumonekta muli (reconnect), at magpanibago (renew).

Ayon sa kanya, mahalagang unang kilalanin ng mga pari ang mga palatandaan ng kanilang pinagdaraanan upang maialay ito sa Diyos at magsimula ang paghilom.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Advincula na ang pag-amin sa kahinaan ay hindi kabiguan kundi bahagi ng pagiging tao.

Hinimok din niya ang mga pari na huwag ihiwalay ang kanilang sarili o pasanin mag-isa ang problema, kundi makipag-ugnayan sa kapwa pari at sa komunidad.

Sa huli, pinaalalahanan niya ang mga pari na higit sila sa kanilang mga pinagdaraanan.

Hinikayat niya silang magpanibago hindi lamang sa mga pangako sa kanilang ordinasyon kundi pati sa pagtitiwala sa pag-ibig, katapatan, at awa ng Diyos.