Hands off ang Malacañang sa mga polisiya na planong ipatupad ng bagong upong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Sec. Vince Dizon para sa sektor ng transportasyon.

Ito’y kasunod ng pagharang ni Dizon sa implementasyon ng cashless toll transaction sa mga expressway sa March 15, gayundin ang posibilidad na pagsuspinde sa PUV modernization program.

Ayon kay PCO USec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hahayaan nilang pag-aralan ni Dizon ang suspensyon ng cashless toll transaction dahil magiging taliwas naman ito sa isinusulong na digitalization ng administrasyon.

Sa usapin naman ng PUV modernization, bibigyan nila ng pagkakataon si Dizon na kausapin muna ang iba’t ibang stakeholders dahil alam naman aniya ng kalihim na kailangang matuloy ang modernisasyon.

Sabi ni Castro, dapat bigyan ng sapat na panahon ang kalihim na pag-aralan ang kanyang mga polisiya lalo’t kauupo lang nito sa pwesto.

-- ADVERTISEMENT --

Magiging bukas din ang Palasyo sakaling magsumite ng evaluation si Dizon kaugnay sa kaniyang obserbasyon sa cashless transaction sa mga toll expressway, at negosasyon sa transport sector kaugnay ng PUV modernization.