Target ngayong taon na mabigyan ng Livelihood Settlement Grants ang 300 pamilya at Community Grant sa 14 barangay sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Kayle Angelie Palattao, Social Marketing Officer III ng DSWD KALAHI-CIDSS na ito ay karagdagan sa mga benepisaryong nabigyan ng grants sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program ng ahensya.
Layon nito na mabigyan ng suporta ang mga pamilyang informal settler at mga manggagawa mula Metro Manila na nais nang bumalik sa kanilang probinsya para sa permanenteng relokasyon at paghahanap-buhay.
Sinabi ni Palattao na 333 benepisaryo mula sa Reina Mercedes, Aurora, Cabagan, Sta Maria sa Isabela at Iguig sa Cagayan ang nabigyan na ng Livelihood Settlement Grants kung saan 211 na pamilya ang nakatanggap ng P50K bawat isa habang 122 Barangay sa nasabing mga bayan ang nakatanggap ng community grants.
Bukod dito, ipinatutupad na rin sa Cagayan at Isabela ang National Community-Driven Development Program Additional Financing sa ilalim pa rin ng KALAHI-CIDSS.
Sinabi ni Palattao na 21 subprojects sa 21 barangay sa Sta Maria, Isabela ang natapos na tulad ng paggawa sa daan, solar dryers at storage facilities.
Nasa 26 na rin sa 37 proposed projects ang natapos na sa bayan ng Sto Tomas, Isabela, habang uumpisahan na rin ang kahalintulad na mga proyekto sa Calayan, Cagayan.
Ayon kay Palattao, na- identify ang naturang mga bayan base sa poverty incidence na 21% o mas mataas pa, income class at bilang ng mga barangay na labis na naapektuhan ng mga kalamidad simula 2014- 2020.
Sa ilalim naman ng KALAHI-CIDSS PAMANA o Payapa at Masaganang Pamayanan program ay natapos na ang sampung proyekto ng ahensya sa anim na ELCAC Brgy na maituturing na conflict affected areas sa bayan ng Sto Nino, Cagayan.
Sumailalim din ang mga bayang nabanggit sa capacity assessment para masigurong handa ang mga Local Government Units na makilahok sa implementasyon ng proyekto ngayong taon.
Gamit ang community-driven development strategy, pinalalakas ng KALAHI-CIDSS ang pakikilahok ng mga miyembro ng pamayanan tungo sa pagpapaunlad ng lipunan.