
Inihayag ng Malacañang na pumayag na si dating PNP chief General Nicolas Torre III sa paglipat ng kanyang four-star rank kay acting PNP chief Lt. General Jose Nartaez Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakausap niya mismo si Torre at ipinaliwanag na ang naunang pahayag hinggil sa hindi umano niya pag-opt sa optional retirement ay bunga lamang ng hindi pagkakaintindihan.
Sinabi pa ni Castro na batid ni Torre na kasunod ng kanyang pagtanggap sa appointment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kinakailangang ilipat ang ranggo kay Nartaez.
Tiniyak din ng Malacañang na wala nang planong karagdagang pulong, taliwas sa naunang panawagan ni Torre para sa isang dayalogo sa pagitan ng Pangulo at ng National Police Commission (NAPOLCOM) ukol sa isyu.










