Muling nagbabala ang Tricycle Regulation Unit laban sa ilang tricycle driver kasunod ng reklamo kaugnay sa overcharging o sobrang paniningil ng pamasahe sa mga delegado ng PRISAA Meet 2025 sa Tuguegarao City.
Ayon kay TRU Head Mariano Cabugos, nasa apat na reklamo ng overcharging ang natugunan ng ahensya kung saan naibalik sa mga pasahero ang sobrang pamasahe na siningil sa kanila.
Inihalimbawa ni Cabugos ang P400 na singil ng dalawang tricycle driver sa tig-apat na pasaherong delegado mula Negros Island Region, mula Linao Elementary School papunta sa isang mall sa lungsod na dapat sana ay P100 lamang para sa apat na pasahero.
Karamihan aniya sa mga sangkot na tricycle driver ay mula sa ibang bayan na hindi dumaan sa seminar ng TRU.
Gayunpaman, ang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na rin ang magbibigay ng sanctions laban sa mga inirereklamong miyembro nila.
Pakiusap ni Cabugos na laging sundin ang fare matrix o taripa na nakapaskil sa loob ng tricycle sa paniningil ng pamasahe.