Maraming sasakyan ang stranded sa dalawang kalsada sa dalawang barangay sa bayan ng Lallo, Cagayan bunsod ng pagbaha dahil sa pag-uulan buhat pa kahapon dahil sa shearline at amihan.
Sinabi ni Ramil Ligot, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na hanggang tuhod na ang baha sa isang bahagi ng kalsada sa Barangay Lalafugan at Alaguia.
Ayon kay Ligot, ang tubig-baha ay mula sa mga bundok at sa umapaw na maliliit na dam sa mga nabanggit na lugar.
Sinabi niya na may mga nagmamando sa trapiko sa nasabing mga lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Ligot na wala pa namang naitatala na evacuees mula sa dalawang barangay, bagamat sinabihan na ang mga barangay officials na agad na magsagawa ng preemptive evacuation kung kinakailangan.
Samantala, hindi na madaanan ang tulay sa Kasiitan sa bayan ng Allacapan, limang tulay sa bayan ng Baggao at maging ang Pinacanauan overflow bridge sa Tuguegarao City dahil sa pag-apaw ng tubig mula sa ilog.
Sarado na rin sa lahat ng uri ng sasakyan ang Pinacanauan Avenue, Riverbank, Centro 1, Tuguegarao City at Alcala-Baggao road.