Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigvation (NBI) ang national security implications ng mga iligal na fishpens na pagmamay-ari ng Chinese nationals sa Pangasinan na sinalakay kamakailan.
Halos 500 na iligal na fish cages ang nadiskubre sa bayan ng Sual, 200 metro lamang ang layo mula sa Sual Power Plant.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division (CCD) at Special Task Force (STF) chief Attorney Jeremy Lotoc, posibleng makaapekto sa cooling system ng power plant kung may makakatakas sa fishpen na bangus.
Bukod dito, posibleng magkaroon ng aberya ang planta at makaapekto sa Luzon-wide power distribution, at magkakaroon ng blackout.
Ayon sa NBI kung titignan ang lawak ng posibleng blackout, ang sitwasyon ay posibleng maging banta sa national security.
Sinabi ni Lotoc, may hinala sila na ginawa ang mga fish pen, hindi lamang para sa negosyo dahil sa pagmamay-ari ito ng mga dayuhan.
Sa isinagawang raid sa illegal fishpen, nailigtas ng NBI ang 10 biktima ng trafficking na mga empleyado ng pasilidad, kung saan siyam sa mga ito ay menor de edad at dalawa ang buntis na pinaghihinalaang ginahasa.
Ayon sa mga biktima, inuutusan sila na pakainin ang mga isda at P150 kada araw ang kanilang bayad, at pinagbubuhat pa sila ng 50 sako na pakain sa mga isda.
Bukod dito, pinagtatrabaho sila ng 11 oras bawat araw.
Idinagdag pa ng NBI na pinapapatulog ang mga biktima sa maliit at maduming silid, at sinabihan sila na gumamit ng pekeng ID para magmukhang mas matanda sa kanilang edad.
Naaresto sa raid ang dalawang Chinese citizens, at nahaharap sila sa Trafficking in Persons at paglabag sa Child Labor Law.