
Ibinaba ng International Monetary Fund o IMF ang pagtaya nito sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2026 sa 3.4%, mula sa nauna nitong forecast na 3.9%.
Ayon sa IMF, pangunahing dahilan nito ang mas mababang resulta ng ekonomiya sa ikalawang quarter at mabagal na pagbangon ng public spending, partikular sa mga proyektong imprastraktura.
Nasa 2.3% lamang ang economic growth ng bansa sa ikalawang quarter, pinakamabagal mula noong fourth quarter ng 2009, hindi kabilang ang mga taon ng pandemya.
Ibinaba rin ng IMF ang growth forecast para sa 2027 sa 5.1% mula sa dating 5.5%.
Samantala, bahagyang ibinaba ng IMF ang forecast sa inflation ngayong taon sa 5.6%, pero itinaas naman ang projection para sa 2027 sa 4.1%, bunsod umano ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis at pagkain.









