Walang ibang nakikitang mapagpipilian ang Senado kundi ang itawid ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa 20th Congress.

Kasunod na rin ito ng pagtutol ni Senator-elect Panfilo Lacson sa draft resolution mula sa opisina ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung saan ipinadedeklara sa Senado ang de facto dismissal o tuluyang pagbasura sa impeachment case ni VP Sara.

Punto ni Lacson, tanging ang impeachment court lang ang pwedeng umaksyon sa pagpapabasura ng kaso at hindi ang Senado na tumatayong legislative body.

Idinagdag pa ni Lacson na walang legal o kapangyarihan ang Senado na magbasura ng kaso dahil hindi pa ito nagco-convene bilang impeachment court.

Sinabi niya na posibleng ipawalang-bisa ito ng Korte Suprema kung aakto ang Senado sa resolusyon na hindi nagco-convene bilang impeachment court sakaling may kukuwestion dito sa korte.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Lacson, ang pinakamabisang paraan ay hayaan na tumawid 20th Congress ang impeachment case upang doon malaman kung may conviction o ma-acquit si VP Sara.