Iginiit ni Senator Francis Tolentino na ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay “functionally dismissed” kung hindi ito matapos bago ang Hunyo 30, 2025.

Ayon sa kanya, base sa mga prinsipyo ng ibang lehislatura, ang mga hindi natapos na usapin ay hindi maaaring ipagpatuloy sa susunod na Kongreso.

Sinabi ni Tolentino na kung hindi matatapos ang paglilitis bago matapos ang ika-19 na Kongreso, wala nang kapangyarihang konstitusyonal ang ika-20 Kongreso para ituloy ito.

Dagdag pa niya, nalalabag na ang due process at nababawasan ang kredibilidad ng Senado bilang impeachment court dahil sa pagkaantala.

Inurong mula Hunyo 2 patungong Hunyo 11 ang pagbasa ng impeachment complaint laban kay Duterte upang bigyang-daan ang mga mahahalagang panukala ng administrasyon bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo 14.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ni Tolentino, hindi tulad ng Estados Unidos o ng ilalim ng 1935 Konstitusyon, kulang ang natitirang 12 senador pagkatapos ng halalan upang magkaroon ng quorum, kaya’t hindi maaaring ipasa ang kaso sa susunod na Kongreso.