Inilarawan ni Senador Imee Marcos bilang isang “drama series” ang impeachment complaint na inihain laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang press conference nitong Martes, Enero 20, sinabi ng senadora na naniniwala siyang bahagi lamang ito ng isang planadong drama na maaaring tumagal ng buong taon.

Nang tanungin kung layunin umano ng reklamong impeachment na ma-trigger ang one-year bar rule sa proseso ng impeachment, sumagot ang senadora: “To that effect? Oo, siguro.”

Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang paghahain ng higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.

Itinuturing na “initiated” ang impeachment case kapag may naihain nang beripikadong reklamo at ito ay nairefer na sa House Committee on Justice, o kapag inendorso ito ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, na awtomatikong mag-aakyat ng kaso sa Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng one-year rule na maiwasan ang paulit-ulit na impeachment na maaaring manggulo o magpahina sa mga halal na opisyal, habang pinananatili pa rin ang pananagutan ng mga ito sa publiko.