Dapat nang magtuloy-tuloy ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos maging matatag na ang pamunuan ng Senado.

Ito ang inihayag ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre.

Ayon kay Acidre, hindi makabubuti sa taumbayan kung patatagalin pa ang proseso dahil nakasalalay dito ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at sa mga demokratikong institusyon.

Giit ni Acidre na normal sa isang demokrasya ang magkakaibang pananaw ng mga Pilipino, subalit hindi ito dapat gamiting dahilan upang patagalin, guluhin, o pulitikahin ang pagdinig.

Sinabi ng mambabatas, ang mahalaga ay umusad ang kaso sa isang patas, maayos, at kapani-paniwalang paraan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang magkabilang panig ng tamang pagkakataon upang maglahad ng kanilang mga argumento at ebidensya, at masagot ang mga tanong ng publiko.

Pinaalalahanan din ni Acidre ang lahat na ang impeachment ay dapat maging base sa ebidensya at katotohanan, sa halip na daanin sa ingay, pressure, o pamumulitika.

Aniya, ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa kapalaran ng isang opisyal, kundi sa pagpapatunay sa taumbayan na gumagana ang mga batas at institusyon sa bansa sa mahinahon at makatarungang paraan.