
Pormal nang nagsimula ngayong Lunes ang makasaysayang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado na umuupo bilang impeachment court.
Bandang alas-2 ng hapon nang magbukas ang pagdinig, kung saan nagsuot ng maroon robes ang mga senador bilang senator-judges. Dumalo rin sa plenaryo ang House prosecution panel at ang kampo ng depensa ng Bise Presidente.
Nauna nang ipinatawag ng impeachment court si Duterte upang humarap sa pormal na pagbubukas ng paglilitis, alinsunod sa Rules of Procedure on Impeachment Trials at sa writ of summons na inilabas noong Mayo 19.
Nahaharap si Duterte sa mga reklamong culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang high crimes.
Matatandaang in-impeach siya ng House of Representatives noong Mayo 11, 2026. Nauna na rin siyang na-impeach noong Pebrero 5, 2025, ngunit kalaunan ay idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Articles of Impeachment na isinampa laban sa kanya.
Noong Mayo 18, pormal namang nagtipon ang Senado bilang impeachment court at nanumpa ang mga senador bilang mga hukom. Pagsapit ng Hunyo 1, naghain ang kampo ni Duterte ng kanilang sagot sa Articles of Impeachment at hiniling na ibasura ang kaso.
Nakatakdang idaos ang mga pagdinig tuwing Lunes hanggang Miyerkules, alas-2 ng hapon, hanggang sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27. Pagkatapos ng SONA, ililipat ang iskedyul ng paglilitis tuwing Martes hanggang Huwebes, alas-2 rin ng hapon.









