Nagbigay-pugay si Gil Aducal Morales, mas kilala bilang Ate Gay, sa yumaong Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor sa pamamagitan ng pag-awit ng “Kahit Konting Awa” sa burol nito.
Sa isang emosyonal na pagtatanghal na ibinahagi sa kanyang social media page, inalay ni Ate Gay ang awitin bilang pagkilala sa naging malaking bahagi ni Aunor sa kanyang buhay at karera.
Aniya, “Hangga’t may Noranian, may Nora Aunor. Di ka nawala sa puso namin.”
Ikinuwento rin ni Ate Gay kung paano siya nakapaglibot sa buong mundo sa paggaya kay Nora Aunor, dahil suportado umano sila ng aktres at kailanma’y hindi naging maramot sa kanyang mga tagahanga at impersonators.
Malaki raw ang naging impluwensya ni Aunor sa kanyang pagiging artista, partikular sa kung paano tratuhin ang mga tao, maging ang pag-arte at pagbibigay-aliw sa mga manonood.
Pumanaw si Nora Aunor noong Abril 16 sa edad na 71 dahil sa acute respiratory failure.
Nakatakdang bigyan siya ng state funeral at ililibing sa Abril 22 bilang pagkilala sa kanyang napakalaking ambag sa sining at kulturang Pilipino.