
Pinagpapalabas ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order (TRO) at ideklarang null and void ang Department of Education Memorandum No. 012, series of 2026 na naglalaman ng bagong Senior High School curriculum.
Sa inihaing petisyon ng high school teacher na si Barry Tayam, iginiit nitong lumampas umano sa kapangyarihan ang DepEd at nagkaroon ng “grave abuse of discretion” sa polisiya, na nakatakdang ipatupad sa paparating na school year.
Kaya humiling siya ng agarang utos mula sa SC upang pansamantalang pigilan ang implementasyon habang dinidinig ang kaso.
Sentro ng pagtutol ang malaking pagbabago sa SHS, kung saan mula sa ilang specialized strands ay lilimitahan na lamang sa Academic at Technical-Professional ang mga academic strands.
Kung noon, meron pang Accountancy, Business and Management, Science, Technology, Engineering and Mathematics, Humanities and Social Sciences, at General Academic Strand, magiging dalawa na lang ang pagpipilian ng mga estudyante.
Malaki rin ang magiging bawas sa bilang ng mga asignatura, na mula sa dating 31 requirements ay posibleng maging 14 hanggang 23 na lamang, dahil pagsasamahin ang core subjects, electives, at technical-professional courses.
Habang ang 15 core subjects ay mababawasan pa sa lima, at ang work immersion naman ng mga estudyante ay pahahabain.
Para kay Tayam, maaaring magdulot ito ng pag-urong sa kalidad ng edukasyon. Aniya, kung mababawasan nang husto ang mga pangunahing asignatura, mahihirapang masiguro na sapat ang matututunan ng mga estudyante.










