TUGUEGARAO CITY-Naabutan na lamang sa pagamutan ng isang ina na wala ng buhay ang dalawang anak na kasama sa limang mag-aaral na nalunod sa bayan ng Camalanuigan, Cagayan.
Ayon kay Nathy Tubol, ina nina Irene at May Tubol at residente ng Brgy. Mabanguc Aparri, nagpaalam umano si May na magpapraktis ng sayaw na may kaugnayan sa P.E subject nila habang dadalo naman sa birthday party ang paalam ng isa nitong anak na si Irene.
Aniya, pasado alas dose ng tanghali nitong araw ng Sabado nang sunduin ng dalawang kamag-aral ni May ang anak kung kaya’t bago sila umalis sakanilang bahay ay pinagsabihan niya ang mga bata na dumiretso sa eskwelahan.
Lingid sa kaalaman ng ina, nagtungo pala ang mga anak sa ilog sa bayan ng Camalanuigan kung saan nangyari ang pagkalunod.
Dahil dito, laking gulat ni ginang Tubol nang ipag-bigay alam ng kanyang kapitbahay na kasama ang kanyang mga anak sa mga nalunod.
Sinabi ni Tubol na pumunta pa siya sa lugar na pinangyarihan ng insidente ngunit muling tumawag ang isa pa nitong anak na nasa pagamutan na ang kanyang mga kapatid at dito kanyang naabutan na wala nang buhay ang kanyang mga anak.
Sa ngayon, naiuwi na ang bangkay ng kanyang mga anak sa kanilang tahanan kung saan una narin umanong dumalaw ang alkalde ng Aparri, Cagayan.
Kaugnay nito, umaapela ng tulong si Tubol sa pamahalaang local ng Aparri para sa magpapalibing ng kanyang mga anak dahil na rin sa hirap ng buhay.