Sinabi ni Vice President Sara Duterte na itinuturing niyang ang isinagawang kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White Plains ay sumasalamin sa matagal na niyang hinaing laban sa kasalukuyang administrasyon.

Ayon sa Bise Presidente, ipinakikita ng naturang rally ang umano’y pagkadismaya ng publiko sa pamamalakad ng pamahalaan. Aniya, hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang mahahalagang suliranin ng bansa, kabilang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kakulangan ng trabaho.

Inakusahan din ni Duterte ang administrasyong Marcos na umano’y ginagamit ang justice system laban sa mga kritiko ng pamahalaan. Iginiit din niya na nananatiling hindi umano pinakikinggan ng administrasyon ang mga hinaing ng mamamayan.

Matatandaang nagsagawa ng biglaang kilos-protesta ang libu-libong miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa kahabaan ng EDSA-White Plains, isang araw matapos ihayag ng Office of the Ombudsman na inihahanda nito ang kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta.