Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang politiko ang magiging bahagi ng independent commission na tututok sa imbestigasyon ng mga iregularidad sa mga proyektong may kinalaman sa flood control.
Sa isang panayam habang nasa Cambodia para sa state visit, sinabi ng Pangulo na tanging mga imbestigador at abogado ang bubuo ng komisyon upang matiyak ang tunay na pagiging independyente nito.
Isa itong teknikal na proseso, kaya’t mga eksperto lamang sa larangan ang isasama.
Ayon kay Marcos, ilalabas sa loob ng 48 oras ang detalye ng kapangyarihan at komposisyon ng komisyon.
May mungkahing bigyan ito ng kapangyarihang maglabas ng subpoena at contempt, bilang bahagi ng mandato nito.
Nauna nang inanunsyo ng Pangulo na lalagdaan niya ang isang executive order para sa pagbuo ng naturang komisyon na mag-iimbestiga sa mga substandard o hindi umiiral na proyekto sa kontrol ng pagbaha.